Karapatan ng Manggagawa by Fr. Anton CT Pascual published May 28, 2013
Ang manggagawa ang lakas ng isang kumpanya at siya din ang lakas ng buong bansa! Ang manggagawa ang tunay na yaman ng isang bansa.Ngunit sa nagaganap ngayon na mahigit sa isang buwan nang hunger strike ng halos isang daang miyembro ng Digitel Employees Union laban sa management ng PLDT-Digitel, nasaan ang pag-respeto sa kapakanan at interes ng mga manggagawa?
Bago pa man nagsama ang PLDT at Digitel bilang isang kumpanyan, matagal nang may hinaing ang mga empleyado ng Digitel. Noon pa man ay nais na ng mga miyembro ng Digitel Employees Union o DEU na magkaroon ng collective bargaining agreement o CBA sa pamunuan ng Digitel. Ngunit kahit inatasan na ng Secretary of Labor and Employment at maging ng Korte Suprema ang Digitel upang magkaroon ng tunay na dayalogo at pagbubuo ng CBA sa DEU, sa matagal na panahon ay nagbingi-bingihan ang mga pamunuan ng Digitel.
At ngayong bubuwagin na ng PLDT ang Digitel, nananatili pa ring ilusyon ang mga hinaing ng mga empleyado ng Digitel. Ang mga miyembro ng Digitel Employees Union ang unang tatamaan sa pagbuwag ng Digitel at tila walang balak ang PLDT na irespeto ang kanilang karapatan sa security of tenure. Ito ang dahilan kung bakit ang DEU ay patuloy ngayon sa kanilang hunger strike.
Ang pagsasagawa ng strike ay kinikila ng panlipunang turo ng ating simabahan. Ayon dito, ang karapatan ng mga manggagawa na maglunsad ng strike ay dapat kilalanin kapag hindi na ito maiiwasan. Ang karapatan ng mga manggagawa sa pag-strike ay nakabatay din sa kalikasan ng tao at ng higit sa karaniwan nitong dignidad. Ang mga sumusunod ay ilan lang sa mga karapatang itinala ng Social Magisterium ng simbahan: karapatan sa makatarungang pasahod; ang karapatang makapagpahinga; ang karapatan sa malusog at ligtas na proseso at lugar paggawa; karapatang mapangalagaan ang sariling personalidad; karapatan sa mga nararapat na subsidya; karapatan sa pension at insurance; karapatan sa social security na may kinalaman sa pagbubuntis; at ang karapatang magbuo at magtayo ng mga asosasyon.
Partikular din na kinikilala ng Magisterium ang pundamental na papel na ginagampanan ng mga unyon ng manggagawa para sa pagtatanggol sa mga mahahalagang interes ng mga manggagawang nasa ibabang propesyon. Ang mga unyon ay sumisibol mula sa pakikibaka ng mga manggagawa. Ang mga ganitong organisasyon, hangga’t nagsusulong ng mga adhikain para sa kabutihan ng lahat, ay isang positibong impluwensiya para sa panlipunang kaayusan at kaisahan, at kung gayo’y kailangang-kailangang elemento ng panlipunang buhay.
Dalangin natin na magkaroon na sana ng payapa, maaayos at makabuluhang pag-uusap ang magkabilang panig sa nagaganap ngayon na problema sa PLDT-Digitel. Dalangin din natin na panigan sana ng pamahalaan ang interes at kapakanan ng mga manggagagawa, lalo na ang mga mahihirap at kapos sa buhay. Magkaroon din sana ng puso ang pamunuan ng PLDT para sa interes at kapakanan ng mga manggagawa ng Digitel.